Pinadidisarmahan at pinasisibak na sa serbisyo ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold Sinas ang dalawa sa mga bagitong tauhan nito matapos magpositibo sila sa ipinagbabawal na gamot.
Kinilala ang mga naturang pulis na sina Pat. Reynald Intal na nakatalaga sa Olongapo City Mobile Force Company at Pat. Benhur Ismael na nakatalaga naman sa 2nd mobile force company ng Sulu Provincial Police Office.
Nagpositibo si Intal sa paggamit ng marijuana kasunod ng ikinasang random drug test bunsod ng pagkaka-aresto sa apat na kabaro nito na protektor ng sinalakay na shabu laboratory sa Subic Freeport, Zambales kamakailan.
Habang nagpositibo naman sa paggamit ng shabu si Ismael matapos sumailalim sa confirmatory test na isinagawa ng PNP crime lab noong ika-14 ng Enero.
Ayon sa PNP Chief, kaniya nang ipinag-utos sa mother units ng mga nabanggit na pulis na isailalim sila sa restrictive custody gayundin sa pre-charge investigation at summary dismissal.