Dalawang pulis ang patay makaraang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng NPA o New People’s Army sa lalawigan ng Palawan.
Kinilala ni Police Regional Office 4-B Director C/Supt. Emmanuel Licup ang dalawang pulis na sina PO3 Alex Minbalawag at PO1 Jofitry Gustaham na nakadestino sa Taytay Police Station.
Nakatanggap umano ng tawag ang naturang himpilan ng pulisya hinggil sa nangyaring vehicular accident umano sa lugar dakong 10:00 kaninang umaga.
Agad namang rumesponde ang mga naturang pulis pero lingid sa kanilang kaalaman, isa palang patibong ng mga rebelde ang naturang sumbong.
Kasalukuyang nire-review ng mga awtoridad ang kuha ng CCTV sa nasabing lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.