Dalawang resort sa Barangay Daliao, Toril District, Davao City ang ipinasara ng business Bureau at ng Davao City Tourism Operations Office.
Ito ay matapos mapag-alamang walang business permit ang mga resort pero patuloy na tumatanggap ng mga social events gaya ng kasal, binyag, at birthday.
Base sa naging imbestigasyon ng lokal na pamahalaan, walang suot na face mask at mayroong mga batang kasama ang pagtitipon sa resort.
Nito lamang Setyembre 12 ay naaktuhan din ng mga pulis at enforcers ng lokal na pamahalaan ang nasa 20 bisitang dumalo sa isang birthday party sa inland resort sa Barangay Catalunan Pequeño.
Sa protocols na ipinatutupad ng pamahalaan, ipinagbabawal parin ang anumang pagtitipon at turismo sa bansa kung saan, nilabag ng mga dumalo at ng nasabing resort ang Department of Trade and Industry memorandum circular number 21-28 series na nagbabawal sa mga social events at inter-agency task force resolution no. 130-a series of 2021.
Sa ngayon, nakapailalim pa rin ang Davao City sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions hanggang sa katapusan ng buwan.—sa panulat ni Angelica Doctolero