Naghain ng patumpatong na kaso ang ilang respondent sa Christine Dacera slay case laban sa ina ng yumaong flight attendant, abogado nito at ilang miyembro ng Makati City Police Office.
Kasong perjury, cyberlibel, libel, malicious prosecution, incriminating innocent person, intriguing against honor at oral defamation ang isinampa nila Rommel Galido at Jp Dela Cerna.
Maliban sa ina ni Christine na si Gng. Sharon Dacera, kinasuhan din ang actress na si Marichi Ramos Fong at abogado ng pamilya Dacera na si Atty. Brick Reyes.
Habang unlawful arrest at illegal detention naman ang isinampa sa mga miyembro ng Makati Police sa pangunguna ni P/Col. Harold Depositar at tatlong iba pa.
Giit ng kampo nila Dela Cerna at Galido, dinumihan ng mga Dacera ang reputasyon ng kanilang mga kliyente na siya namang nagdulot ng undue stress dahil sa isinampang kaso laban sa kanila
Magugunitang natagpuang wala nang buhay sa banyo ng isang hotel sa Makati si Christine nuong unang araw ng bagong taon 2021.