Nagnegatibo ang dalawa sa tatlong Pinoy repatriates na nakitaan ng sintomas ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) habang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Ito’y ayon kay Department of Health (DOH) Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire kung saan, hinihintay pa aniya ang magiging resulta ng isinagawang laboratory test sa isa pa sa mga naturang repatriates.
Hindi na rin aniya kailangang sumailalim sa panibagong pagsusuri para sa COVID-19 ang dalawang nagnegatibo sa virus, ngunit kailangan pa rin silang i-monitor.
Dagdag pa nito, kapwa maayos ang kondisyon ng tatlo habang nasa isang ospital sa Central Luzon.
Magugunitang ang tatlong Pinoy repatriates ay inilipat sa isang ospital mula sa quarantine facility sa New Clark City matapos makaranas ng sore throat at pag-ubo.
Kabilang din ang mga ito sa mahigit 400 Pinoy na inilikas mula sa M/V Diamond Princess cruise ship sa Japan na tinamaan din ng COVID-19.