Dalawa sa bawat limang Pilipino o katumbas ng 40% ang naniniwalang mas sasama o hihina ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na 12 buwan.
Batay ito sa isinagawang mobile phone survey ng Social Weather Stations (SWS) sa may 1,555 adult Filipino mula ika-3 hanggang ika-6 ng Hulyo.
Sa naturang survey, lumabas din na 24% ng mga Pilipino ang nagsabing inaasahan nilang walang magiging pagbabago sa lagay ng ekonomiya ng bansa.
Habang 30% naman ang naniniwalang bubuti ito sa susunod na isang taon.
Ayon sa SWS, ang naitalang 40% na “economic pessimists” nitong Hulyo ay pinakamataas sa nakalipas na 12 taon o simula noong Hunyo 2008 na nakapagtala ng 52%.
Bumaba rin anila ng 47 puntos ang net economic optimism score sa “mediocre” na negative 9 nitong Hulyo 2020 mula sa very high na positive 38 noong Disyembre 2019.