Naaresto na ang dalawa sa mga suspek sa pagdukot sa 1 Pinay at 3 dayuhan sa Samal Island, Davao del Norte noong Setyembre 21.
Sa panayam ng programang “Kasangga Mo Ang Langit sa IZ”, sinabi ni Davao City Police Regional 11 Director, Chief Supt. Wendy Rosario na nadakip ang isa sa mga suspek na si Bandajar Adona alyas Banon sa tulong ng CCTV footage nang maganap ang insidente sa Ocean View Resort.
Kinumpirma ni Rosario na sumailalim na sa tactical interrogation ang 2 naarestong kidnapper.
“Mayroon tayong CCTV footage, so from the CCTV footage ay na-identify sila, secondly, yung litrato na ipinakita natin after the arrest and positively identified by the witnesses na nandoon sa ground nang maganap ang kidnapping, and third, during the tactical interrogation, in-admit naman nung isa na siya ay kasama doon s abduction.” Ani Rosario.
Sa kabila nito, hindi pa masabi ng opisyal kung anong grupo ang kinabibilangan ng naturang mga suspek.
“Ito yung ginagawa natin na masusing imbestigasyon, kasi alam naman natin na ang nangyari diyan ay pasa-pasa, so we want to ascertain kung saan napunta yung mga victims.” Pahayag ni Rosario.
By Meann Tanbio | Kasangga Mo Ang Langit