Sugatan ang dalawa katao kabilang ang isang bata matapos umanong hagisan ng pampasabog ang bahay ng isang opisyal ng barangay sa Bagong Pagasa, Quezon City kagabi.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Alitalia Velasco na naglalakad lamang sa labas nang pasabugan ang nasabing bahay.
Habang pamangkin naman ng may-ari ng bahay na si Leandro Gabot, lupon tagapamayapa ng Barangay Bagong Pagasa, ang isa pang biktima.
Ayon sa isang saksing Grab driver, pasado alas-8:00 kagabi nang makita niya ang isang lalaki na nagmamadaling umalis at sumakay sa isang nakaabang na motorsiklo.
Matapos aniya ng ilang sandali ay nangyari na ang pagsabog.
Nadamay pa at nabasag ang salamin sa bintana ng sasakyan ng nasabing Grab driver.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang mga salarin at motibo sa insidente.
—-