Patay ang dalawang (2) sundalo at sugatan ang 11 iba pa matapos pumalya ang airstrike ng militar kahapon ng tanghali.
Ipinabatid ni AFP o Armed Forces of the Philippines PIO Chief Col. Edgard Arevalo na nabagsakan ang dalawang sundalo ng malalaking debris mula sa gumuhong gusali malapit sa pinagbagsakan nang nagmintis na bomba.
Nagtamo naman ng minor shrapnel wounds ang 11 sundalo na ginagamot na sa ospital.
Ikinalungkot ng militar ang nasabing aksidente at tiniyak na tinutugunan na ang pangangailangan ng pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa friendly fire.
Gumulong na rin ang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng palyadong airstrike at maiwasang maulit ito.
Magugunitang 10 sundalo ang nasawi nang tamaan ng sariling airstrike ng gobyerno noong Mayo.
Isa umano sa mga bagong FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force ang sangkot sa pumalyang airstrike sa Marawi City.
Ito, ayon sa source ng militar, ay batay sa initial report mula sa ground.
Gumamit umano ang fighter jet ng ordinaryong bomba sa halip na ang precision guided munitions.
By Judith Larino / ulat ni Jonathan Andal (Patrol 31) / Drew Nacino
2 sundalo patay at 11 sugatan sa pumalyang airstrike sa Marawi was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882