Arestado ang dalawang (2) Cameroon national na sangkot sa black dollar scam na nambibiktima ng kapwa nila mga banyaga na nasa Pilipinas.
Kinilala ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gieran ang dalawa na sina Leon Chambers at Victor Benjamin Miedje na naaresto sa isang entrapment operation ng NBI – NCR kasama ang mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Enero 22 sa Makati City.
Ipinabatid pa ng NBI Chief na nasakote ang dalawa batay sa tip ng biktimang si Thamer Alradaideh na isang Jordanian national kasama ang kaibigan nitong si Shyra Michaela Brian Capistrano.
Kinumbinsi umano ng dalawang suspek ang mga biktima na maglagak ng puhunan sa mga gagamiting kemikal para sa paglilinis ng mga ‘di umano’y dolyares na nakadeposito sa isang safety na nagkakahalaga ng 1.2 milyong piso.
Maliban sa dalawang dayuhang suspek, naaresto din ng mga otoridad ang iba pang mga kasabwat ng mga ito na nahaharap sa mga kasong syndicated estafa, illegal possession and use of fales treasury or bank notes.