Sa kulungan ang bagsak ng dalawang suspek sa pagnanakaw ng cellphone ng dalawang biktimang estudyante sa magkahiwalay na lugar sa Cabuyao, Laguna.
Kinilala ang mga suspek na nadakip na sina Raul Almarinez Gonzaga, 32-anyos at Gerald Valdez, 39-anyos na residente ng barangay San Antonio, Binan, Laguna.
Ayon sa mga otoridad, isang dalagita ang kiniladkad ng mga suspek at inagawan ng cellphone na nagkakahalaga ng P16K.
Nagkataong nagpapatrolya ang mga tauhan ng Cabuyao City Police Station na sina CPL. Ronn Michael Juanito at CPL. Marc Arman Perino kaya’t agad na dinakip ang dalawang suspek.
Dito na napag-alaman na may isang lalaki pa ang nagsumbong na inagawan din ng cellphone ng mga naarestong suspek na nagkakahalaga naman ng P25K.
Nabawi sa mga suspek ang dalawang cellphone kasama ng isang motorsiklo na ginamit sa pagnanakaw ng mga suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery ang mga naarestong suspek. —sa panulat ni Angelica Doctolero