Hawak na ng Puerto Galera Police ang dalawang suspek sa pamamaril at pagpatay kay municipal councilor Melchor Arago at 15-taong gulang na anak nitong si Kenneth, kahapon, sa harap mismo ng kanilang bahay.
Kinilala ang mga suspek na sina Tirso Manlangit Tito, 39-taong gulang at isang Rogelio Sotto Sto. Tomas, 47-taong gulang na kapwa mga taga-Lipa, Batangas.
Sa panayam ng DWIZ kay Chief Superintendent Teofilo Awingan, Hepe ng Puerto Galera PNP, bandang alas-12:30 kaninang madaling araw nang masakote sa isang checkpoint sa munisipilidad ng San Teodoro ang dalawang suspek na positibong kinilala ng mga testigo.
“For inquest na po sila at nasa kustodiya na sila ngayon ng Puerto Galera Police. Isasailalim rin sila sa paraffin test. Ikakasa natin ang kasong double murder laban sa kanila.” Ani Awingan
Sinabi ni Awingan na sa ngayon ay hindi pa matukoy ang tunay na motibo sa krimen dahil patuloy na itinatanggi ng dalawa na may kinalaman sila sa pagkakapatay sa konsehal at anak nito.
“Ayaw pa ring magsalita ng dalawang suspek, hindi pa rin nila inaamin pero matibay ang paninindigan ng ating mga witnesses na sila talaga ang gumawa ng pamamaril. Sa ngayon ine-establish natin na posibleng kasama sila sa mga gun for hire, nagko-collect tayo ng information, at nakikipag-ugnayan tayo sa Batangas Police upang malaman ang pagkatao ng dalawang taong ito.” Dagdag ni Awingan
Bagamat nagpapatuloy ang pangangalap ng impormasyon ng mga awtoridad, sinabi ni Awingan na malaki ang posibilidad na may galit ang mga pumatay sa mag-ama dahil sa idinamay pa aniya ang walang kamuwang-muwang na bata.
“15-anyos lang itong si Kenneth, sa assessment namin ang puntirya lang dito ay ang tatay, pero lumabas itong si Kenneth, nakita ng 2 gunman, siguro naisip nila na nakita sila ng anak, nanigurado at dinamay na po ang anak ng konsehal.” Pahayag ni Awingan
Aniya kilala si councilor Arago sa lugar na isang tapat na lingkod-bayan at wala umano silang anumang ulat na may kagalit ang nasabing konsehal.
Sa ngayon ay patuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
(Ratsada Balita Interview)