Dalawang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Kian Loyd Delos Santos.
Ito ang resulta ng otopsiya na isinagawa ng PNP Crime Laboratory sa labi ni Kian Loyd.
Ayon kay Dr. Jane Monzon, medico legal officer ng PNP Crime Laboratory, sa kaliwang tainga pumasok ang dalawang bala at tumagos sa kanang bahagi.
Pababa anya ang direksyon ng pagbaril at nasa 60 sentimetro o katumbas ng dalawang ruler ang layo ni Kian mula sa dulo ng baril.
Ipinaliwanag ni Monzon na hindi ito maituturing na malapitang pagbaril dahil wala silang nakitang maitim o mala-uling na kulay at mga butas sa sugat ni Kian.
Wala ring nakitang bakas ang PNP Crime Laboratory na binugbog ang binatilyo.
Ang resulta ng otopsiya ng PNP Crime Laboratory ay taliwas sa otopsiya ng PAO o Public Attorney’s Office kung saan lumalabas na tatlong tama ng bala ang tinamo ni Kian.
Kian Loyd nag-negatibo sa gun powder
Nag-negatibo sa gun powder nitrate si Kian Loyd Delos Santos, ang 17 anyos na binatilyong nasawi sa Oplan Galugad ng Caloocan City police noong isang linggo.
Ito ang lumabas sa isinagawang pagsusuri ng PNP Crime Lab sa dalawang kamay ng binatilyo.
Nagpositibo naman sa gun powder residue ang kalibre 45 baril na narekober sa kamay ni Kian.
Matatandaang, sinabi ng Caloocan City police na nanlaban si Kian kaya nila ito pinaputukan.
Samantala, kinumpirma naman ng PNP Crime Lab na shabu ang narekober mula kay Kian subali’t hindi na isinailalim sa drug test ang binatilyo dahil na-embalsamo na ang bangkay nito nang isagawa ang autopsy.