Naging produktibo ang unang dalawang taon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng mga batikos laban sa kanyang madugong kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, maraming mga pangakong tinupad si Pangulong Duterte dahil sa liderato at political will nito.
Aminado si Roque na maging siya ay nasaksihan ang pagsisikap ng Punong Ehekutibo, dedikasyon at pagmamahal sa tungkulin at bayan.
Gayunman, marami pa anyang dapat gawin at i-prayoridad upang makamit ang inaasam at makabuluhang pagbabago para sa mga Filipino.
Ipinagmalaki naman ng tagapagsalita ng Palasyo na nagwawagi na ang gobyerno sa war on drugs.
Batay sa datos ng Philippine National Police, kabuuang 91,704 anti-drug operations ang isinagawa simula July 2016 hanggang March 20 ng kasalukuyang taon na nagresulta sa pagkakaaresto sa 123,000 drug suspects.
—-