Natawid na sa kauna-unahang pagkakataon ng mga opisyal ng militar ang dalawang tulay sa Marawi City na inukopa ng Maute terror group.
Ito ay matapos na mabawi ng militar ang Bayabao Bridge at Masiu Bridge mula sa mga terorista, kamakailan.
Pinangunahan mismo nina Joint Task Force Marawi Commander Major General Rolando Bautista at Joint Special Operations Task Force Trident Commander Major General Danilo Pamonag ang pagtawid sa dalawang nasabing tulay kahapon ng umaga.
Sinalubong naman sila sa kabilang dulo ng tulay ni Joint Task Group Tiger Commander Brigadier General Melquiades Ordiales.
Ayon kay Bautista, ang pagkakabawi ng Bayabao Bridge at Masiu Bridge ay maituturing na nagpakahalagang pag-unlad sa pagsisikap ng militar na magapi ang mga terorista at mabawi ang Marawi City.
Kasabay nito, nanawagan si Bautista sa mga natititang terorista na sumuko na lamang at pakawalan ang kanilang mga bihag.
‘Surrender feelers‘
Ilang mga miyembro na ng Maute terror group na nananatili pa sa loob ng Marawi City ang nagbibigay ng surrender feelers sa AFP o Armed Forces of the Philippines.
Ito ay ayon kay Joint Task Force Marawi Deputy Commander Col. Romeo Brawner Jr., matapos aniya silang magdala ng mga loud speakers sa main battle area kung saan binabanggit ang mga paraan na dapat gawin ng mga teroristang nais nang sumuko.
Dagdag ni Brawner, lahat ng mga susukong terorista ay dadaan sa medical at psychiatric test kung saan kanila ring aalamin kung ang mga ito ba ay matagal ng miyembro, napilitang sumama o mga hostage na nag-balik Islam.
Kasama rin aniya sa proseso ang pagdetermina ang kaugnayan ng mga susukong terorista sa Maute terror group at kung maaari pa silang i-rehabilitate.
Batay naman sa tala ng AFP, aabot na sa 694 na mga miyembro ng Maute terror group ang napapatay ng militar habang sumampa na sa 151 ang nasawi sa panig ng pamahalaan.
—-