Dalawang linggo pang extension ng enhanced community quarantine (ECQ) ang inilatag na rekomendasyon ng ilang health experts kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dr. Anthony Leachon, COVID-19 National Task Force special adviser, nais nilang mapalawig pa ang ECQ hanggang May 15, 2020.
Ipinaliwanag ni Leachon na kailangan pa ng mas mahabang panahon upang ayusin at tiyakin ang healthcare capacity ng bansa lalo na sa pagpasok ng tag-ulan.
Dapat anyang alalahanin na maliban sa COVID-19, maraming sakit ang lumulutang sa panahon ng tag-ulan tulad ng mas maraming kaso ng trangkaso, dengue, leptospirosis, at iba pa.
Sinabi ni Leachon na dapat ring pinaghahandaan ang mga pagbaha o kalamidad na maaaring mangyari dahil kalimitang kailangang i-evacuate ang mga tao.