Sinampahan na ni Atty. Levito Baligod ng kasong malversation sa tanggapan ng Ombudsman ang 20 dati at kasalukuyang mga mambabatas kaugnay ng pork barrel fund scam.
Kabilang sa mga ito sina Senador Juan Ponce Enrile, Senador Bong Revilla, dating Senador Edgardo Angara, dating House Speaker Propero Nograles, Iloilo Representative Niel Tupas, dating CIBAC Partylist Representative at kasalukuyang TESDA Director General Joel Villanueva at iba pa.
Katwiran ni Baligod, bigo ang Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kaso ang iba pang personalidad na lumustay sa pondo ng bayan.
“Hindi ko po talaga alam kung ano ang motivation behind the DOJ’s statement na tapos na daw po ang investigation nila sa PDAF, wala na po silang kakasuhan na iba, nalulungkot po tayo diyan, dahil alam po natin na matagal na, mahigit 1 taon na mula noong nahawakan ng DOJ lahat ng dokumento at ebidensya laban sa mga mambabatas na involve dito sa PDAF scam.” Ani Baligod.
Isiniwalat pa ni Baligod na ilang tauhan din ng Commission on Audit (COA) ang kakuntsaba umano ng mga mambabatas sa maanomalyang paggamit ng mga ito sa kanilang pork barrel.
“Ipapakita po natin dito na merong halimbawa isang opisyal na binilhan nila ng isang bagong sasakyan noon, meron ding mga nakatanggap ng foreign travel, gadgets at ilan pang mga pabor para po kahit kitang-kita ‘yung kalokohan sa paggamit ng PDAF ay pumikit na lamang po sila.” Pahayag ni Baligod.
By Ralph Obina | Karambola