Maaagang pamasko para sa mga estudyante ang panukalang batas ni Senador Sonny Angara na palawigin ang umiiral na dalawapung porsyentong diskwento nila sa pasahe.
Batay sa panukalang batas, magiging sakop na ng 20% student discount ang regular domestic na byahe ng eroplano, jeepneys, bus, UV express, taxi at TNV o Transport Network Vehicle services tulad ng Grab at Uber, MRT at LRT.
Kailangan lang umano ipakita ang school ID o anomang dokumentong magpapatunay na siya ay isang mag-aaral.
Nakasaad din na walang pinipiling araw ang pagbibigay ng diskwento maging ito man ay weekends, summer break at holidays ay ipagkakaloob ito sa mga estudyante.
Tiyak din umanong makikinabang dito ang mga magulang dahil maliban sa matrikula, pinagkakagastusan din pati ang baon at pamasahe ng kanilang mga anak na estudyante.