Isinusulong sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng 20% fare discount ang mga estudyante kahit pa sa panahon na sila ay naka-christmas vacation.
Sa ilalim ng Senate Bill 945 ni Senador Sonny Angara, gagawin ng institutionalized ang fare discount para sa may 30 milyong estudyante sa elementarya, high school at kolehiyo at maging ang mga naka-enrol sa vocational at technical schools.
Bukod dito, hindi lang sa mga public utility vehicle ipatutupad ang fare discount para sa mga mag-aaral kung hindi maging sa sea at air transportation kung saan maaari itong i-avail ng kahit pa weekend, semestral break, christmas vacation at iba pang legal holiday.
Sinumang estudyante na tatanggihan na bigyan ng 20% fare discount ay maaaring magreklamo sa Department of Transportation o DOT.
Umaasa si Angara na susuportahan ng kanyang mga kasamahang senador ang pagpasa ng naturang bill dahil makatutulong ito sa mga magulang sa harap ng tumataas na matrikula at iba pang gastusin sa eskwelahan at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno