Pinagpapaliwanag ng Department of Energy o DOE ang nasa dalawampung (20) oil retailers matapos na maagang magpatupad ng taas presyo sa kanilang ibinebentang mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig sa Senado kahapon, isinawalat ni Energy Assistant Secretary Leonido Pulido na nasa 20 gas stations sa Metro Manila ang kanilang inisyuhan ng show cause order.
Aniya, kailangan ipaliwanag ng mga nasabing gas station ang ginawang pagtataas ng mga ito sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo gayung sa pagtaya ng DOE mararamdaman pa ang mas mataas na excise tax labing-limag araw matapos ang bagong taon.
Kailangan ding patunayan ng mga nasabing gas stations na naubos na ang mga luma nilang stocks ng langis.
Batay sa record ng DOE, apat na mga kumpanya ng langis ang nagpatupad ng mas mataas na buwis sa mga produktong petrolyo noong pang Enero 5 hanggang 14 kabilang ang Caltex, Petron, Shell at Flying v.
Samantala, inaasahan naman ng DOE na siyamnapung porsyento ng mga gasolinahan sa bansa ang magpapatupad ng oil price hike bago magtapos ang kasalukuyang buwan dahil sa umiiral na TRAIN Law.
—-