Inaasahan ni Public Works Secretary Mark Villar na uubra nang madaanan ngayong araw na ito ang lahat ng national road sa bansa matapos gumanda ang lagay ng panahon.
Ayon kay Villar, 20 lansangan pa ang hindi pa uubrang madaanan dahil sa pagbaha sa ilang lugar sa Central Luzon, tig-tatlo sa Cagayan Valley at Bicol Region, at apat sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa CAR, ipinabatid ni Villar na sarado ang mga naturang lansangan dahil sa landslide na aniya’y mas mahirap ayusin.
Sinabi ni Villar na nagsimula sila ng clearing operations sa 116 closed roads, subalit 20 na lang ang naiwan sa Region 2 dahil mataas pa ang tubig kaya’t hindi madaanan.
Nasa P1. 6-bilyon aniya ang halaga ng imprastruktura ang nasira sa Cagayan Valley na pinakanaapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Inihayag pa ni Villar na 600 equipment at 2, 700 personnel ang idineploy ng DPWH para sa road clearing operations.
Nasa apat na tauhan ng DPWH ang nasawi sa landslide sa lalawigan ng Ifugao.