Nakararanas ng black out ang buong lalawigan ng Occidental Mindoro makaraang itigil na ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) ang operasyon ng kanilang 20 megawatt power plant.
Ito’y matapos hindi umano payagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang OMCPC na palawigin ang kanilang operasyon.
Ang nasabing planta ang nag-su-supply ng kuryente sa Occidental Mindoro Electric Cooperative o (OMECO) na power distributor sa lalawigan.
Simula nang isara ang planta noong Sabado, kaliwa’t kanan na ang power outage sa lalawigan kaya’t apektado na rin ang operasyon ng mga negosyo.
Ayon kay OMCPC Chief Operating Officer Calvin Luther Genotiva, magbabalik-operasyon lamang ang operasyon ng planta kung may go-signal mula sa ERC.
Inirekomenda rin ni Genotiva na sumaklolo na ang Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at kahit “verbalan” lamang na utos o resolusyon ng ERC ang makareresolba sa problema sa power supply.
Samantala, hiniling na ni governor Eduardo Gadiano sa OMECO na magkaroon ng emergency power supply agreement sa iba’t ibang power providers upang makapag-supply ng kuryente sa probinsya.