Kinumpirma mismo ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na 20 Pilipinong crew members ang lulan ng isang cargo vessel na naharang sa South Korea, matapos masabat ang limampung kahon o dalawang toneladang bigat na cocaine.
Kasalukuyang iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa south korea ang mga trabahador na Pilipino, at inaalam pa kung may pagkakasangkot ang mga ito sa insidente.
Napag-alamang nakatago sa compartment ng engine room ng M/V Lunita ang tone-toneladang ilegal na droga.
Ayon sa ulat ng Federal Bureau of Investigation, ang barko ay nagmula sa Mexico at dumaan sa Ecuador, Panama, at China bago dumating sa South Korea.
Samantala, naglaan naman ang shipping company ng abogado para sa mga Pilipinong trabahador habang nakahanda na ring tumulong ang Pilipinas para sa mga nasabing crew members.