Dalawampu (20) ang sugatan sa marahas na dispersal ng tinatayang tatlundaang (300) manggagawa ng condiments giant NutriAsia Incorporated sa Meycauayan, Bulacan na nag-strike makaraang hindi sila i-regular sa trabaho ng kumpanya.
Kabilang sa nasugatan ang Kadamay member na si Leticia Espino na nag-viral pa sa social media ang larawan dahil sa duguan nitong mukha.
Nagsimula ang gulo nang magpaputok umano ng baril ang isa sa mga empleyado ng processing company na B-Mirk Enterprises, na toll packer ng NutriAsia at pinagbabato ang mga guwardya at pulis, kahapon.
Siyam naman ang inaresto at ipiniit sa Meycauayan Police Station kabilang ang ilang mamamahayag.
Naganap ang insidente habang pinupulong ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga stakeholder at mga leader ng unyon.
Samantala, kinondena ng mga makakaliwang grupo sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno at Anakbayan ang nasabing insidente at nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan na ang kontraktuwalisasyon.
—-