Nasa 20 pasahero ang sugatan kabilang ang isang buntis nang salpukin ng 40-footer trailer truck ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue, Ermita sa Maynila.
Pawang isinugod sa ospital ng Maynila at Phillippine General Hospital ang mga pasahero na jeep kasama ang isang buntis na si Monalissa Romero, ang driver ng jeep (BAP 282 ) na si Arnulfo Metante, 43, ng #15 Lourdes St., FB Harrison , Pasay City matapos magtamo ng sugat sa paa.
Hawak naman ng Manila Traffic Bureau ang driver ng trailler truck (RNV 776) na si Moises Pangilinan, 44, nakatira sa Abung, San Juan, Batangas City
Ayon kay P/Staff Srgt. John Mark Estrada , imbestigador ng Manila Traffic, dakong alas 12:28 ng maganap ang insidente sa nasabing lugar kung saan dalawa sa mga pasahero ang malubha ang kalagayan.
Sa panayam naman kay Ginoong Jose Malinao, 56 at empleyado ng DOLE, galing ang sinasakyan nilang jeep na byaheng Mabini, Pasay-Pier 15 South sa kanto ng Kalaw St.
Pagsapit umano sa intersection ng Gen. Luna St. at Padre Burgos Avenue ay naka-go ang jeep habang ang trak ay nagpatuloy sa takbo dahilan para sila ay masalpok.
Dahil sa lakas ng impact o pagkakasalpok, tumilapon ang mga pasahero at nahulog ang isang pasaherong babae na nakaupo sa driver seat.
Ayon kay Estrada, kitang-kita na ang trak driver ang may kasalanan sa aksidente dahil nasa tama ang posisyon ng pampasaherong jeep batay na rin sa mga pahayag ng mga pasahero.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente habang inihahanda ang kasong isasampa sa trak driver.
Sa panulat ni: Aya Yupangco (Patrol 5)