(Ulat ni Jonathan Andal)
Dalawampung (20) terorista ang napatay sa operasyon ng militar sa Marawi City.
Ipinabatid ni Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Major General Restituto Padilla na 13 ay napatay kagabi at 7 naman kaninang umaga.
Kabilang aniya sa mga napatay ay isang dayuhan na hinihinalang si Dr. Mahmoud Ahmad, ang Malaysian terrorist na kasamahan ng mga napatay na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Sinabi ni Padilla na nasa loob pa ng isang gusali ang labi ng dayuhan kaya’t hindi pa nila makumpirma ang pagkakakilanlan nito.
Ayon pa kay Padilla, anim na sundalo ang nasugatan sa mga naturang operasyon samantalang isang mag-ina ang na-rescue nila.
Kaugnay nito, hindi iiwan ng AFP ang Marawi City hanggat hindi nanu-neutralize ang mga natitirang miyembro ng Maute group.
Tiniyak ito ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año kasunod ng report na nagtatago sa isang lugar sa bahagi ng pier na malapit sa Marawi Lake o Lanao Lake ang mga nalalabing terorista.
Hinamon ni Año ang mga terorista na sumuko na lamang kung nais pang mabuhay ng mga ito.
Ipinabatid pa ni Año ang maingat na pagtugis sa mga miyembro ng Maute group dahil sa hawak pang mga bihag ng mga ito.
Sinasabing 18 hanggang 20 bihag pa ang nasa kamay ng mga terorista at ginagamit nilang human shield.
—-