Noong September 15, 2023, dumalo ang mga estudyante sa isang misa sa San Jose National High School sa Talibon, Bohol.
Ngunit sa kalagitnaan ng misa, biglang nahimatay ang isang estudyante.
Ilang sandali lamang, sinundan ito ng isang estudyanteng nagsimulang mangisay, habang ang iba ay hirap nang huminga at nagha-hyperventilate na.
Nagtuloy-tuloy ito hanggang sa umabot sa 200 estudyante ang naapektuhan ng pinaniniwalaang “masamang espiritu”.
Isang linggo bago mangyari ang insidente, iniulat ng mga estudyante na nakakita at nakaramdam sila ng mga espiritu sa kanilang paaralan.
Nakakita pa umano sila ng itim na tao malapit sa puno ng balete na nasa loob ng kanilang paaralan.
Dahil dito, pinaniniwalaan ng mga residente na nakaranas ng “demonic possession” ang mga estudyante nang maganap ang misa.
Ngunit ayon sa mga eksperto, posibleng mass hysteria ang nangyari sa paaralan.
Tumutukoy ang mass hysteria sa tila nakahahawang dissociative phenomena o diskoneksyon ng tao sa kanyang pag-iisip, alaala, damdamin, at kilos. Nangyayari ito sa grupo ng mga tao na nakararamdam ng anxiety o pagkabalisa.
Ipinag-utos naman ni Talibon Mayor Janette Garcia sa mga magulang na iuwi ang kanilang mga anak, habang nagpadala ng responders ang Provincial Health Office, kung saan nasa 195 students ang dinala sa ospital.
Sa kabutihang palad, ligtas naman ang mga estudyante mula sa anumang panganib.