Sisimulan nang bakunahan ngayong araw sa Laoag City General Hospital ang nasa 200 menor de edad.
Magsasagawa ng pilot vaccination ang lungsod sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 na magsisimula mamayang alas-8 ng umaga.
Makakatanggap ng Pfizer ang lahat ng batang magpapabakuna kung saan, mismong mga miyembro ng city health office ang mangunguna sa gagawing pagbakuna sa naturang age group.
Ayon kay Dr. Charito Malicad, city informatiom officer ng Laoag City, nakipag-ugnayan na ang operation center sa mga kapitan ng barangay para sa ikakasang bakunahan.
Nabatid na may master list ang mga babakunahan at mismong ang mga opisyal ang magva-validate sa mga ito at sila rin ang bahalang magdagdag sa mga pangalan ng mga puwedeng mabakunahan na hindi pa kasali sa listahan. —sa panulat ni Angelica Doctolero