Pinigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang partisipasyon ng higit dalawang libong (2,000) mga miyembro ng MNLF o Moro National Liberation Front sa labanan sa Marawi City.
Sa gitna ng pagharap ng Pangulo sa mga sundalo sa Tacurong City, sinabi nito na hindi magandang pagharapin ang Moro sa kapwa nito Moro.
Aniya, sinabihan niya si MNLF Founder Nur Misuari na hindi ito ang magandang pagkakataon dahil kailangan munang maintindihan kung bakit nangyayari ang naturang kaguluhan.
Una nang nanawagan si Pangulong Rodrigo sa MNLF at MILF o Moro Islamic Liberation Front para tumulong sa operasyon ng gobyerno kontra Maute Group kasabay ang pangakong bibigyan sila ng benepisyo tulad ng tinatanggap ng mga sundalo.
NDFP
Samantala, handa ang NDFP o National Democratic Front of the Philippines na makipagtulungan sa gobyerno sa laban nito sa Maute Group kung babawiin nito ang all-out war policy at Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay NDF Negotiationg Panel Chair Fidel Agcaoili, kailangan na mag-usap ng dalawang panig para ilatag ang magiging ugnayan ng AFP o Armed Forces of the Philippines at NPA o New People’s Army.
Binigyang diin ni Agcaoili ang kahalagahan ng muling negosasyon ng gobyerno at CPP para sa localized ceasefire, koordinasyon at kooperasyon kasunod ng bantang pagkalat ang terorismo sa iba pang bahagi ng Mindanao.
Sa kabila nito, sinabi ni Agcaoili na nasa home defense mode na ang kanilang moro revolutionary liberation organization laban sa mga terorista sa loob ng syudad.
Inilalarga naman ng mga NPA sa labas ng syudad ang blocking operations habang pinapanatili ang distansya mula sa mga tauhan ng gobyerno.
By Rianne Briones
2000 MNLF fighters pinigilang lumahok sa laban sa Marawi was last modified: June 8th, 2017 by DWIZ 882