Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-deploy ng 20,000 dagdag na sundalo sa Mindanao.
Ito’y upang matuldukan na ang mga nangyayaring terrorist attacks at pangingidnap ng mga bandido sa rehiyon.
Sa pakikipagpulong ni Duterte sa ilang opisyal ng militar at pulisya sa Armed Forces of the Philippines sa Zamboanga City, binigyang diin ng Pangulo na kailangan itong gawin upang matigil na ang nakahihiyang terorismo sa bansa.
Ayon sa Punong Ehekutibo, maliban sa 10,000 hanggang 20,000 sundalo, magtatalaga rin siya ng 3,000 pang pulis upang masawata ang urban terrorism.
Muling iginiit ni Duterte na suportado niya ang mga pulis at militar na nakakapatay ng mga kriminal.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Salary increase
Muling nangako si Pangulong Rodrigo Duterte ng umento sa sahod ng mga sundalo at pulis sa loob ng isang taon.
Sa kanyang talumpati sa harap ng daan-daang miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa Zamboanga City, sinabi ni Duterte na prayoridad niya ang salary increase ng security forces.
Giit pa ng Pangulo, hindi pa sapat ang pondo ng pamahalaan sa ngayon kaya’t hindi pa maaaring itaas ang sahod ng mga sundalo at pulis.
By Jelbert Perdez