Kasado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police o PNP sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, Mayo 14.
Kabuuang dalawampung libong (20,000) pulis ang ipakakalat ng PNP-National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila.
Ayon kay PNP-NCRPO Chief Camilo Cascolan, labing anim na libong (16,000) pulis ang ilalagay nila sa mga polling precincts.
Samantala, ang apat na libong iba (4,000) ay mag-aantabay naman bilang emergency response team.
Sinabi ni Cascolan na posibleng itaas nila ang alert level ng PNP bago ang araw ng eleksyon.
“Dahil nga po lahat dapat ng ating Kapulisan ay alerto at dapat nakabantay sa lahat ng mga lugar, hindi po dahil may mga hotspots tayo, wala po tayong hotspots, meron lang tayong mga special areas of concern pero iilan lang ‘yan, mga dalawa o tatlo lang.” Pahayag ni Cascolan
‘Drug test challenge’
Samantala, naglunsad ng drug test challenge ang PNP-NCRPO para sa mga barangay officials.
Ayon kay PNP-NCRPO Chief Camilo Cascolan, sa Quezon City pa lamang ay umabot na sa 400 ang sumabak sa drug test challenge.
Sinabi ni Cascolan na bahagi pa rin ito ng paglilinis sa mga barangay mula sa mga opisyal na sangkot sa illegal drugs.
Abot aniya sa 12 barangay officials ng Metro Manila ang nasama sa narco-list ng PDEA.
“Dalawa pong barangay officials na tumatakbo ay nagsasabing hindi sila magte-take oath kahit manalo man sila kung hindi maalis ang kanilang pangalan sa PDEA list. May mga ginawa tayong mga drug test challenge sa kautusan ng ating Chief PNP, dito lang sa QCPD mahigit 400 ang nagpa-drug test, kung anuman ang resulta ay hindi natin ipapalabas, ang atin lang ipapalabas ay ‘yung listahan ng mga nag-drug test challenge.” Dagdag ni Cascolan
(Ratsada Balita Interview)