Aabot sa 200 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng isa’t kalahating bilyong piso ang nasabat ng PNP at PDEA sa magkahiwalay na operasyon sa mga lungsod ng Bacoor at Imus, Cavite.
Napatay ng mga otoridad sa naturang operasyon ang dalawang lalaking hinihinalang may kaugnayan sa isang chinese drug syndicate sa Barangay Molino 3, Bacoor.
Daan-daang pakete ng shabu na tumitimbang ng 181 kilo at nagkakahalaga ng 1.2 bilyon ang nakumpiska mula sa naturang lugar.
Natiklo naman sa Bahaya ng Pag-asa Subdivision sa Barangay Magdalo, Imus ang mag-asawang edad 45 at 47 anyos.
Nasakote mula sa dalawa ang mahigit isang dosenang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P326 milyon.
Inilunsad ang operasyon dalawang araw matapos malambat ng PDEA ang nasa 580 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.9 bilyon sa magkahiwalay na operasyon sa Candelaria, Zambales.—sa panulat ni Drew Nacino