Naluha si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach matapos aminin na matagal na niyang hinintay ang pagkakaroon ng sariling pelikula kung saan siya ang bida.
Sa isang interview ilang araw bago ang premiere ng kanyang pelikulang “My Perfect You,” inamin din ni Pia na 16 na taon ang kanyang hinintay para lamang makamit ang kanyang pangarap noon bukod pa sa pagiging beauty queen.
Ayon kay Queen P, noong una ay inakala niyang mahihirapan siyang maabot ang pangarap na maging artista kaysa manalo sa Miss Universe.
Nagpapasalamat naman si Pia sa ibinigay sa kanyang pagkakataon at mga hamon maging ang mga pagkatalo kaya’t napagtanto niya na darating din pala ang tinatawag na “Tamang Panahon.”
Magugunita noong 2002 ay naudlot ang acting career ni Pia pero makalipas ang ilang taon ay nagpursige siyang maging isang beauty queen na naging daan upang makamit ang tagumpay at korona ng Miss Universe.
Makakatambal ni Pia ang Kapamilya Star na si Gerald Anderson sa nasabing pelikula sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina na ipalalabas naman sa mga sinehan simula sa Miyerkoles, Marso 14.