Balot umano ng pork at lump sum appropriations ang P3 trilyong pisong 2016 national budget na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Professor Leonor Briones, Lead Convenor ng watchdog na Social Watch Philippines, naglagay ng karagdagang insertions ang House of Congress at Bicameral Conference Committee sa nasabing pondo.
Nagkaroon din anya ng iba pang revisions at budgetary adjustments at isa ng halimbawa ang budget para sa farm to market roads sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na tumaas ng P7.3 billion pesos mula sa dating P7 billion pesos; P2.7 bilyong pisong pondo para sa assistance sa mga indigent patient sa ilalim ng Department of Health-Office of the Secretary mula sa dating P1.7 bilyong piso.
Bagaman aabot sa kabuuang P3 trilyong piso ang National Expenditure Program, mahigit P930 bilyong piso naman ang inilaan para sa automatic appropriations; P408 billion pesos sa special purpose funds at P67.5 billion pesos para sa unprogrammed funds.
Iginiit ni Briones, gaya ng 2015 General Appropriations Act, sinusuportahan ng 2016 GAA ang redefinition ng savings at inootorisa ang pag-transfer ng mga mistulang DAP o Disbursement Acceleration Program funds na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court.
By Drew Nacino