Ikinasa na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kampanya nito para sa maayos na eleksyon sa darating na Mayo.
Pinangunahan nina COMELEC Chairman Andres Bautista at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Senen Sarmiento ang paglulunsad ng SAFE 2016 o Secure and Fair 2016 Elections sa Intramuros, Maynila.
Katuwang ng DILG at COMELEC sa kampanya ang PNP, BJMP, BFP, AFP, Department of Education at non-government organizations.
Bahagi nang paglulunsad sa SAFE 2016 ang candle lighting at pagpapakawala ng mga puting kalapati.
Lumagda rin ang mga opisyal sa integrity pledge ng COMELEC bilang pagtiyak na magiging bahagi ng ligtas at patas na eleksyon.
***
Nagsimula na din ang pagpapatupad ng nationwide gun ban para sa eleksyon sa Mayo.
Mula Enero 10 hanggang Hunyo 8, mahigpit nang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas at pampasabog base na rin sa COMELEC resolution.
Hindi na rin papayagan ang pagkakaroon ng pribadong security personnel at bodyguard ng walang permiso mula sa COMELEC.
Subalit may ilang indibidwal ang papayagang gumamit ng armas tulad ng mga nagseserbisyo sa gobyerno subalit dapat ay naka-uniporme sila.
Ayon kay DILG Secretary Mel Senen Sarmiento tanging ang COMELEC lamang ang may karapatang mag-determina kung papayagan ang isang pribadong indibiduwal na magdala at gumamit ng baril.
Sinabi ni COMELEC Executive Director Jose Tolentino na papayagan ring magbitbit ng baril ang mga indibidwal na may banta sa buhay subalit kinakailangang ma-verify muna kung totoo ang banta.
Mas mabigat namang parusa ang kakaharapin ng sinumang mahuhulihan ng armas at mga pampasabog.
Samantala, mas pinaigting na rin ang checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinaalalahanan ni Sarmiento ang mga motorista na ang checkpoint ay dapat nasa maliwanag na lugar, magalang ang mga pulis na magpapaliwanag kung bakit hinaharang ang mga motorista at hindi ubrang mag-search kundi sumilip lamang sa sasakyan.
By Drew Nacino