Nakatakda nang lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte bukas ang 2018 national budget at tax reform measure.
Magugunitang noong isang linggo ay niratipikahan na ng Kongreso ang halos 4 trilyong pisong budget para sa susunod na taon kung saan ang Department of Education o DepEd ang nakakuha ng pinakamalaking budget batay na rin sa nakasaad sa konstitusyon.
Layon naman ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN na makakuha pa ng dagdag na kita para sa infrastructure programs ng gobyerno.
Sa ilalim ng nasabing panukala, bababa ang income tax ng wage earners subalit tataas ang excise tax na ipinapataw sa mga goods at services.
Nagkasundo rin ang mga miyembro ng bicameral conference committee na taasan ang tax exemption cap ng 13th month pay at iba pang bonus ng hanggang P90,000.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Dakila Cua, ang 32.50 na excise tax na ipapataw sa kada pakete ng sigarilyo ay epektibo na simula January 1 hanggang June 30, 2018.
Magiging 35 pesos naman ito pagsapit ng July 1, 2018 hanggang December 31, 2019.
Ang excise tax naman na ipapataw sa oil products ay P7 kada litro sa gasoline, P4 kada litro sa AV gas, P3 sa bawat litro ng kerosene at P2.50 sa bawat litro ng LPG.
Samantala, ang cosmetic procedures ay may excise tax na limang porsyento.
—-