Tinapos na ng Senado ang interpellation sa panukalang 2019 national budget na nagkakahalaga ng 3. 7 trillion pesos.
Dahil dito, inaasahan ng mga senador na maaaprubahan sa Lunes, January 21 sa ikatlong pagbasa ang panukalang budget sa taong ito.
Inaprubahan ni Senate President Vicente Sotto III ang mosyon ni Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri matapos na walang senador na kumontra para tapusin na ang interpellation sa General Appropriations Bill.
Sinabi ni Zubiri na si Senate Finance Committee Chair Loren Legarda at siyang sponsor ng bill ang magpiprisinta ng mga amiyenda sa plenaryo.
Magiging mabilis aniya ang amiyenda at puwedeng maaprubahan ang 2019 national budget sa ikalawa at ikatlong pagbasa dahil certified itong urgent.
Matapos ang pag-apruba sa third reading, magko-convene ang Senado at kamara bilang Bicameral Conference Committee para plantsahin ang magkakaibang posisyon sa pagitan ng dalawang bersyo ng panukalang batas.
Inaasahan naman ni Senador Panfilo Lacson na magiging madugo ang bicam subalit igigiit aniya ng Senado ang pagtanggal sa umano’y isiningit na 75 billion pesos na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
—-