Pangkalahatang naging mapayapa ang katatapos lamang na 2019 national at local elections.
Ito ay batay sa pagtaya ng Philippine National Police o PNP at Armed Forces of the Philippines o AFP.
Ayon kay AFP Public Information Chief Col. Noel Detoyato, mayroon silang napigil na pagtatangka na guluhin ang halalan bago mag 3:00 ng hapon, kahapon, ngunit tumanggi na itong magbigay pa ng karagdagang detalye.
Sinabi ng opisyal na naging mabilis sa pagtugon ang security forces kaya hindi ito natuloy.
Sinabi naman ni PNP Chief Oscar Albayalde na mananatiling nakataas ang alerto ng kanilang hanay lalo’t nagpapatuloy ang bilangan sa mga lokal na posisyon.
Kaugnay nito, naniniwala ang dalawang ahensya na tagumpay ang kanilang inilatag na mga paghahanda sa peace and order situation sa bansa para sa 2019 elections.