Tila hapit na ang schedule para sa pagpapasa ng panukalang 2020 national budget.
Ayon ito kay Senador Panfilo Lacson kaya’t nababahala siyang posibleng hindi nila matapos aprubahan ang 2020 budget bago mag adjourn ang sesyon ng Kongreso sa December 18.
Sinabi ni Lacson na kapag nagkataon ay posibleng kailanganin nila ng special session o mas malala ay maging reenacted muli ang budget.
Paliwanag ni Lacson, sa susunod na linggo pa mai-isponsoran ni Finance Committee Chair Sonny Angara ang committee report hinggil sa budget dahil marami pang vice chairman ng komite ang hindi nakapagsusumite ng report hinggil sa budget ng mga ahensyang sila ang nagsagawa ng budget hearing.
Sa November 11 pa naka schedule ang sponsorship ng budget sa plenaryo at kung maaaprubahan ito sa unang linggo ng Disyembre, inihayag ni Lacson na dapat ay may sapat pa silang panahon upang makapag bicam at para ma-ratipikahan ito.
Samantala, naiintindihan ni Lacson kung mayroong mga senador na kontra sa kaniyang idea na i adopt na lamang ng Senado ang house version sa 2020 budget para hindi na mag bicam at maiwasan nang mag introduce o mag singit ng amendment ang mga ito. — ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19)