Tinapyasan ng mahigit P2-B ang panukalang pondo ng 30 pampublikong ospital sa buong bansa para sa susunod na taon.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, tinanggal ang nasabing halaga mula sa hiniling na budget ng mga ospital para sa kanilang maintenance at iba pang operating expenses.
Aniya ito ang gastusin para sa gamot, diagnostic procedures, tubig, kuryente, I-V fluids at iba pang kailangan para sa pagbibigay ng serbisyo sa mga pasyente.
Batay sa nakuhang listahan ni Hontiveros, nangunguna sa natapyasan ng pondo ang Southern Philippines Medical Center sa Davao na binawasan ng P699.2-M.
Ito ay sa kabila ng pagiging full capacity sa COVID-19 patients ng naturang ospital at 37% ng general ward nito ang okupado.
Sumunod ang Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City na tinapyasan ng P305.48-M ang budget request gayong ito ang may pinakamaraming tinanggap na COVID-19 case sa buong bansa.
Pumangatlo ang Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital sa Bacolod City na binawasan ng P242.19-M sa kanilang panukalang budget sa susunod na taon.
Kaugnay nito, tinawag ni Hontiveros na anti-poor at anti- people ang naturang hakbang lalo na sa kasalukuyang panahon na kailangan ng mga ospital ng pondo bunsod ng pandemic.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)