Kumpiyansa ang Department of National Defense na malaki ang maitutulong ng administrasyon ng bagong pangulo ng Amerika na si Joe Biden sa Pilipinas.
Sa virtual forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na magandang simula ang 2021 sa relasyon ng dalawang bansa.
Paliwanag ng kalihim, posibleng makinabang ng malaki ang bansa kung pagtutuunan ng pansin ng Amerika ang asya upang magkaroon ng counterbalance kontra China.
Gayunman, hindi rin aniya malabong maipit sa huli ang Pilipinas sa sandaling tumaas ang tensyon sa pagitan ng Amerika at China dahil sa usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.