Positibo ang Malakanyang na malalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.5-T national budget para sa 2021 bago ang Pasko.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pang natatanggap na kopya ng inaprubahang national budget ang Office of the President mula sa kongreso.
Gayunman, may ideya na aniya ang Department of Budget and Management (DBM) kung anong mga item sa 2021 national budget ang irerekomenda nilang i-veto ni Pangulong Duterte.
Batay na rin aniya ito sa advance copy na nakuha ng DBM.
Dahil dito, nakatitiyak si Roque na hindi maaantala ang ganap na pagsasabatas sa 2021 General Appropriations Act para maging epektibo sa January 1 dahil napag-aralan na ito.
Dagdag ni Roque, nagpaplano sila ng isang ceremonial signing ng budget bago ang Pasko, bagama’t hindi pa niya matiyak ang eksaktong araw para rito.