Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Ito’y sa kabila ng maraming isyu na kinaharap ng mababang kapulungan sa mga nakalipas na linggo, kabilang na ang girian sa speakership.
Matapos bumoto ang 257 na kongresista na pabor at anim naman ang tumutol, tuluyang nakapasa ang P4.506-T na proposed 2021 national budget na mas mataas ng 9.9% kumpara sa 4.1-T budget ngayong taon.
Sinasabing ang pinakamalaking bahagi ng 2021 budget ay mapupunta sa personnel services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32-T kung saan dito kukunin ang alokasyon para sa dagdag na hiring ng mga healthcare workers, second tranche ng Salary Standardization Law, at dagdag na pensiyon para sa mga retired uniformed at military personnel.
Maliban dito, nakapaloob din sa pambansang pondo ang mga stimulus para sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 at ang P2.5-B na bakuna laban sa impeksiyon.
Samantala, kumalas si Manila Rep. Benny Abante bilang lider ng minorya at nagpahayag ng kanyang pagnanais na lumipat na sa mayorya.