Naisantabi na ang pulitika sa kamara.
Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ay makaraang opisyal nang naluklok bilang bagong lider ng kamara si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco matapos ang naging giriin sa pagitan nila ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Dahil dito, kumpiyansa ang Malacañang na maipapasa sa takdang oras ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ani Roque, naniniwala syang maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang pambansang pondo na nakatutok sa paglaban ng bansa kontra pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), at hindi na magkakaroon ng reenacted budget para sa susunod na taon.
Kumpiyansa naman po ang Malacañang na matatapos po ang third and final reading ng budget sa kamara dahil nga po nagpapasalamat kami na naisantabi na ang pulitika sa kamara. Naniniwala po kami na dahil rito ay mapapasa naman ang ating anti-COVID-19 budget sa lalong mabilis na panahon,” ani Roque.
Binigyang-diin din ni Roque na mananatiling buo ang koalisyon sa kamara sa kabila nang umusbong na isyu sa usapin ng House speakership.
Samantala, kasunod nito ay tiniyak ng Palasyo na laging handa ang gobyerno sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 sakaling maging available na ito.
Paliwanag ni Roque, matagal nang inilatag ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkukuhanan ng pondo para sa pagbili ng naturang bakuna.
Aniya, sakaling lumabas na ang COVID-19 vaccine ngayong taon ay babayaran muna ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ang bakunang ilalaan para sa mga pinakamahihirap na Pinoy.
Handa rin aniyang hugutin ang pondo oras na maipasa ang 2021 national budget kung sa susunod na taon naman magkakaroon ng bakuna.
Samantala, inaasahan namang makabibili ng tinatayang 40-milyong doses ng COVID-19 vaccine na libreng ipamimigay sa nasa 20-milyong pinakamahihirap na Pinoy, mga men-in-uniform, at frontliners.
Inaasahan po natin na makakabili tayo ng 40-million doses para sa 20-million na pinakamahihirap ng ating bayan, ating mga men-in-uniform; sa kapulisan at hukbong sandatahan, at syempre ang ating mga frontliners,” ani Roque.
Gumagawa rin aniya ng hakbang ang Pangulong Duterte upang makapag-angkat pa ng mas marami pang bakuna upang makabili rin ang mga maykayang Pinoy.
Gumagawa rin po tayo ng hakbang para ‘yung mga maykaya naman po ay makakabili rin… hindi lang po para sa mga mahirap, kun’di para sa lahat,” ani Roque. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882