Walang pork barrel sa i-eendorsong 2021 national budget ng Senate Committee on Finance.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng naturang komite, sinusunod nila ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa pork barrel o sa pagbibigay sa mga mambabatas ng alokasyong pondo para sa proyekto na hindi pa natutukoy o naa-itemize.
Ang mga lump sums naman na pinaghihinalaang pork gaya ng malalaking halaga na nakalagak sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay ipina-itemize na.
Kung may natitira pang lump sum, tiniyak na ito ay hihimayin para matukoy ang beneficiaries, lokasyon at iba pang detalye para mamonitor ang proyekto.
Ngayong hapon isusumite ni Angara sa plenaryo ang panukalang budget at agad sisimulan bukas ang interpelasyon at debate.
Nakapaloob dito ang P8-bilyong para sa pagbili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), at P10-bilyong standby fund para rito.
Pinadadagdagan din ng P5-bilyon ang P16-bilyong calamity fund na inendorso ng Malacañang. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)