Sisikapin ng senate committee on electoral reforms na hindi madiskaril ang 2022 elections sa kabila ng nararanasang pandemya.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, chair ng naturang komite, pinagpaliban ang eleksyon sa ibang mga bansa nitong nakaraang taon dahil sa pandemya, ngunit susubukan aniya ng Pilipinas na maipagpatuloy ito lalo’t may panahon pa naman para paghandaan.
Ani Marcos, posible namang maiwasan na maging super spreader event ang isang eleksyon sa gitna ng pandemya kung maaga ang pagpaplano at paghahanda.
Maghahanap na aniya sila ng mga kaukulang “pandemic-related measures” para matiyak na ligtas para sa mga botante at poll watchers ang pagdaraos ng eleksyon sa susunod na taon.
Kaugnay nito, sinimulan na rin ang pagdinig para masigurong matutuloy ang 2022 national at local elections.
Dagdag pa ni Marcos, hindi maaaring isantabi ang pagpaplano para sa eleksyon habang hinihintay ang bakuna na dumating.
Ang Australia, Canada, Germany, Hong Kong SAR, at UK ang ilan sa mga bansang nagdesisyong ipagpaliban ang lokal, municipal o legislative elections nitong nagdaang taon at iniskedyul ituloy ngayong 2021.