Agad na pagtutuunan ng pansin ng Kamara ang pagraratipika sa higit P5 trilyong 2022 national budget sa unang araw ng pagbabalik sesyon ng mababang kapulungan ngayon.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, tiyak na agad na maisasabatas ang naturang pondo bago matapos ang taon.
Dagdag nito, oras na matapos ang sariling bersyon ng budget ng Senado, mamimili ang kamara ng grupo sa Bicameral Conference Committee upang pag-aralan ang dalawang bersyon.
Samantala, bukod sa pambansang budget pagtutuunan din ng mababang kapulungan ang mga panukalang batas na naglalayong suspindihin o bawasan ang excise taxes sa mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis. —ulat mula kay Tina Nolasco (Patrol 11)