Bagama’t tatlong buwan pa bago matapos ang taong 2022, nalagpasan na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kanilang 2022 collection target ng mahigit P1.05 billion o 18.71 percent.
Nabatid na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang target collection ng komisyon ngayong taon sa P5.58 bilyon.
Subalit as of Sept. 27, ang kanilang actual collection ay pumalo na sa P6.63 bilyon.
“The NTC’s systematic collection effort is the Agency’s modest way of contributing to the public service programs of our dear President Ferdinand R. Marcos, Jr. – priorities of which are on food security, free and universal primary education, and public health,” ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.
Bukod dito, kinilala rin ni Cordoba ang kontribusyon ng mga empleyado ng ahensya at hinimok ang mga ito na ibigay ang final push sa paglikha ng mas mataas na income bago matapos ang taon.
Pinasalamatan din ng komisyoner si Secretary Ivan John Uy at ang buong DICT sa suportang ibinibigay sa NTC.
Ang tagumpay aniya ng NTC ay bunga ng pagsisikap ng kanilang personnel na istriktong ipatupad ang pagtalima ng stakeholders sa pagre-remit ng spectrum users’ fees, supervision at regulation fees at penalties.
Ang NTC ang nagre-regulate sa cable at commercial television operators, broadcast radio stations, telecommunications companies at commercial at portable radio operators.