I-a-itemize ang lump sums na nakapaloob sa Proposed 2023 National Budget.
Ito ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara kaugnay ng lump sum allotment na balak silipin ni Senate Minority leader Koko Pimentel sa budget deliberation sa plenaryo.
Ayon kay Zubiri, ginarantiyahan ni Senator Angara na gagawin namang detalyado ang paggagamitan ng pondong nasa lump sums.
Una nang pinuna ni Pimentel ang halos P1-T lump sums sa panukalang budget na maaaring paghugutan ng pandagdag sa Calamity Fund.
Kabilang sa tinukoy ni Pimentel ang P500-B lump sum sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways;
P9.5-B Confidential at Intelligence Funds (CIF), kabilang ang P4.5-B CIF ng Office of the President, P500-M ng Office of the Vice President at P150-M sa Department of Education.
Iginiit ni Zubiri na maliwanag naman ang ruling ng Korte Suprema na nagbawal sa lump sums sa National Budget. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)