Kumpiyansa ang Lider ng Kamara na magdadala ng pagasa; pagkakaisa; at panibagong mga pangako para sa mga Pilipino ang taong 2025.
Ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez, na isang mapayapa, masagana, at puno ng pagasa ang panibagong taon na sumisimbolo ng bagong simula at isang pagkakataon upang magtulungang muli at magtatag ng mas matibay na kinabukasan para sa ating bayan.
Sinabi ng Lider ng Kamara, na maraming hinarap na hamon ang bansa sa taong 2024 partikular na ang bagyo; pagbaha; sunog at iba pang kalamidad na nagpahirap sa mga pilipino.
Nag-iwan din ito ng mga magagandang alaala sa bansa kabilang na ang tagumpay ng mga Pilipino na mapanatili ang suporta; katatagan; pagkakaisa; at pagmamahalan.
Aniya, nakita ng bawat isa ang tunay na diwa ng kabayanihan na lalong nagpatibay sa ating nagkakaisang bansa.
Tiniyak ni Speaker Romualdez, na mananatiling kaisa ng mga pilipino ang Kongreso sa pagsusulong ng mga batas na tunay na makatutulong sa buong bansa.
Umaasa ang House Chief, na mananatili rin ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang masiguro na ang bawat Pilipino ay may access sa mga pangunahing serbisyong publiko.
Ipagpapatuloy rin ang mga programa ng pamahalaan na magbibigay-daan sa mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat pamilya.